top of page

Babae

Babae sa mundong mapang-api

Nabubuhay ka

Sa’yong kabataan ang lahat ay nagmula


Ang mga sulyap, nakaw na tingin

Tagos sa kaluluwa

Sa madilim na eskinita

Babae’y biktima


Hindi mawari

Ano’ng pagkakaiba?

Tao rin ako katulad nila


Kaya titindig, taas noong tingin

Hindi ikahihiya

Ako’y babae, buhay ang dala

Matapang at palaban


Maglaho man ang paligid

Ika’y tiyak na mananatili

Kung sa’n walang sulyap, nakaw na tingin

Ikaw ang magliliwanag sa eskinitang madilim

Poetry: Text

Lupa

Lupa ang buhay

Dito sa bukid isinilang

Ang libo-libong katulad ko

Ididikta ng lupa ang tatahaking landas

Umulan, umaraw, dito ay mananahan

Pagkat lupa ang bumubuhay

Ang dugong mananalaytay

Hanggang kamatayan


Lupa ang kahirapan

Musmos pa lang nabatid ko na

Kung bakit ang bigas na inani

Napunta sa kamay ng iba

Kami ngayon ang salat

Kumakalam ang sikmura


Kaya naglakbay kami at tumungo

Bigyan sana ng makakain

Ang mga nagpapakain sa inyo

Ngunit walang nakinig

Putok ng bala, sigaw ng kapwa magsasaka

Ang umalingawngaw sa daan


Dumanak ang dugo sa bitak-bitak na daan

Pinagmasdan ko ito at sinundan

Hanggang sa makarating sa lupang sakahan

Kung sa’n nagtagpo ang buhay at kamatayan

Poetry: Text

Musmos

Noong isinilang ako naunawaan ko na

Ang papel na gagampanan

Noong sinabi nilang “Babae ka”


Nasilayan ko ang unang liwanag

Sinilaw ang mga mata

Alam ko na noon pa

Ang liwanag ay kadilimang nagpopostura

Sa paglaki unti-unting mababatid

Ang ilaw ay babasagin ng iba


Pinuno ko ang puting silid

Ng mga sigaw ng pagtangis

Alam ko na noon pa

Ang pangambang nakakabit

Sumisigaw ako para sa sariling

Balang araw ititikom ang bibig


Sa pagsilang ng sarili kong anak

Ako’y hihingi ng paumanhin

Mabubuhay siya’t mamamatay

Na tumatangis

Poetry: Text

© 2019 by Nicole Rey

bottom of page